kung hindi tayo, sino?
ako'y isa lamang instrumento
instrumentong may nais sabihin
ang lipunan ay nais gisingin
malalang sakit ay lumalaganap
at ang lunas ay hindi mahanap
apektado ang bawat isa sa atin
ngunit iilan lamang ang nagbibigay-pansin
sa pananaw ng iba, ito ay masama
nasa maling landas ang kanilang akala
walang utang na loob sa pamahalaan
rebeldeng mamamayan at walang galang
bakit tayo panghihinaan ng loob?
nagbabayad tayo ng buwis upang makapagtaguyod
ang pamahalaan ng kanilang mga proyekto
kahit karamiha'y hindi dama ito
dapat ng itigil ang pagbubulag-bulagan
ang katiwalian ay masyado ng lantaran
tinatamasa man natin sa ngayon ang kalayaan
ang ating mga bibig, malapit nang busalan
kung hindi ngayon, kailan pa?
ang pagkilos natin dapat ngayon na
wag na nating hintayin ang panahon
kung kailan huli na at di na makabangon
ang nasa itaas ay masyadong sakim
walang pakialam sa mga nasa ilalim
mamatay ka man, sa kanila'y ayos lang
ang tanging iniisip ay kung pano yumaman
marami sa atin ay hindi naaalarma
hindi napapansing may bagyong nakaamba
batas militar ay binabalak ulitin
maraming buhay ay nais kitilin
kailangan ng mag-kaisa at sama-samang kumilos
ang laban nila Bonifacio ay hindi pa tapos
hindi imposible ang ating tagumpay
ang tagumpay na ito ay halos abot-kamay
h'wag nating hayaan ang may kapangyarihan
na tayo ay patuloy na pagsamantalahan
magkaisa't ipagpatuloy ang laban
itaguyod ang demokratikong rebolusyong bayan!
No comments:
Post a Comment